Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law


Kalagayan ng karapatang pantao sa panunungkulang Duterte

Sa nakalipas na limang taon, napatunayan ang administrasyon ni Rodrigo Duterte ay isa mismong nakamamatay na krisis, at ang kanyang mga alipores at tagapagsalita ay pilit na nagtangkang ikubli ang ang umaalingasaw na baho nito sa pamamagitan ng magulong pagpapaikot-ikot ng mga kasinungalingan at hungkag na ilusyon ng pag-unlad, kaayusan, at pagbabago. Ang pagragasa ng pandemikong bunsod ng COVID-19 ang bumasag sa mga ilusyong ito nang patigilin nito ang mundo at tahasang iniharap ang krisis na matagal nang nagbabadya.Samantala, kahit ang krisis pangkalusugan ay hindi nakapigil sa mga despotiko gaya ni Duterte kasama ang kanyang mga alipores na red-tagger, batikang berdugo, at mga kilalang human rights violator para maghasik ng karahasan at takot na dulot ng Estado sa mga mamamayan.Kasama ng hungkag na pagpapanggap ng demokratiko at populistang pamumuno, sinimulan ni Duterte ang kanyang huling taon sa pwesto nang buong pwersa sa pamamagitan ng kanyang mga anti-demokratikong patakaran, sa anyo ng "new normal." Ang nailantad sa lahat ay hindi talaga bago, bagkus ay mga lumalaking bitak sa manipis na kalatagan ng ilusyon ni Duterte hinggil sa malawakang suporta at matatag na Estado: lumalalang sosyo-ekonomikong agwat at kawalan ng hanapbuhay, lantarang pagpapabaya sa mga batayang serbisyo publiko at kalagayan ng mamamayan, mga malawakang iskandalo hinggil sa korapsyon, lumolobong pambansang utang, malawakang at organisadong panlilinlang, at napakalaking bilang ng paglabag sa karapatang pantao na patuloy na lumalala araw-araw.


Kultura ng Kawalang Pananagutan

Marahas na isinasakatuparan ni Duterte ang giyera upang patahimikin ang kanyang mga kritiko at mga miyembro ng oposisyon sa pamamagitan ng pagkukulong sa mga aktibista at mga tagapagtaguyod ng kapayapaan, pagpatay sa mga sinasanbing "kalaban ng Estado," at pagsalakay sa mga bahay at komunidad gamit ang pagbabanta, pananakot, at pamimilit ng mga pwersa ng Estado. Patuloy niyang isinasagawa ang kanyang madugo at pakunwaring giyera kontra droga, na nag-iwan ng libong pamilyang namamanglaw at umiiyak para sa katarungan. Di niya kailangang magkunwari ng "demokrasya." Kasimbastos ng kanyang mga kuda at pagbabanta sa kanyang mga kritiko, buong pagmamalaki siyang gumamit ng kamay na bakal at tahasang inutusan ang kapulisan at militar ng "kill, kill, kill,"Ang kapulisan at militar sa kanyang gabinete, na siyang pasimuno ng di sapat, militarisado, at tadtad ng korapsyon na tugon sa pandemya, ay ni-recycle at itinalaga sa mga position sa gobyerno sa kabila ng mga kahiya-hiyang rekord ng di maayos na paglilingkod at impunidad, habang ang mga alipores niya sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na mahilig na umimbento ng mga kasinungalingan sa pamamagitan ng red-tagging ang kumumpleto sa makinarya ng pasistang diktadurya ni Duterte, namay halos absolutong kasiguraduhan na sila'y iaabswelto niya mula sa kahit anong krimen.


Contact Us

[email protected]